2 pekeng parak huli sa cocaine
MANILA, Philippines - Dalawang kalalakihang nagpakilalang commission police officers at Interpool agents ang inaresto matapos na makuhanan ng iligal na drogang cocaine sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa.
Kinilala ni PDEA Director General Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago, ang mga suspect na sina Dionisio Valdez, alyas Valdez, at Emil Aragon, alyas Bisaya, ng Mandaluyong City. Si Aragon ay nagpakilalang Police Lieutenant Colonel, habang si Valdez naman ay Police Lieutenant General.
Nakuha sa mga ito ang pitong gramo ng cocaine at mga identification card ng interpol at Philippine Anti-Drug Support Group Incorporated (PADSGI), badges, call cards, mission orders forms at solicitation letter na may letterhead ng PADSGI.
Nadakip ang mga suspect sa isang buy-bust operation na ginawa ng PDEA sa may Boni Avenue sa Mandaluyong City pasado alas- 8 ng gabi, matapos na iabot nito ang droga sa isang PDEA agent na nagpanggap na poseur buyer.
Nakapiit ngayon ang mga suspects sa himpilan ng PDEA sa kasong paglabag sa section 5 o sale of dangerous drugs in relation to section to Section 26 (b) o conspiracy to sell ng RA 9165.
- Latest
- Trending