3 miyembro ng 'Budol-budol' gang arestado
MANILA, Philippines - Nakapuntos laban sa mailap na Budol-Budol Gang ang pulisya makaraang tatlong miyembro nito ang masakote matapos na tumangay ng higit sa P.2 milyong salapi sa isang biktima na inalok nila ng negosyo sa mamahaling uri ng pekeng bitamina, kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Edgardo Sun, 57, tubong Dumaguete City; Nickie Boy Reyes, 34, tubong Mancayo, Davao del Norte at Agerico Macias, 55, ng Hagonoy, Davao del Sur.
Sa ulat ng Las Piñas police, nadakip ang tatlo sa isang entrapment operation kamakalawa ng hapon sa bahay ng biktimang si John Tianchon sa Gemini St., Pamplona Parks Subdivision, Pamplona 3, ng naturang lungsod.
Sa salaysay ni Tianchon, unang nagtungo sa kanyang bahay ang mga suspek kasama ang isang Japanese national noong nakaraang linggo at nagkunwaring interesado sa ibinebentang lupa sa Malabon City ng biktima.
Sa gitna ng negosasyon, inalok ng mga suspek si Tianchon na pumasok sa negosyo ng pagbebenta ng isang organic protein na “Maxi-Centauri” na sinasabing kikita sila ng malaking halaga ng salapi. Nakumbinsi naman ng mga suspek si Tianchon kung saan nagbigay agad siya ng US$4,500 o P200,000 kapalit ng isang kahong organic protein na kalaunan ay natuklasan niyang naglalaman lamang ng asin.
Agad namang nagreklamo ang biktima sa pulisya na nagpayo sa kanya na ipagpatuloy ang pakikipagtransaksyon sa mga suspek habang iniuumang ang bitag sa mga ito.
Nang muling bumisita sa bahay ng biktima, hindi na nakapalag ang mga suspek nang arestuhin ng mga pulis si Sun habang nasa aktong tinatanggap ang inakalang P500,000 bayad buhat kay Tianchon na marked money pala. Nagtangka pa umanong tumakas ang dalawang suspek ngunit nadamba rin ang mga ito ng mga nakapalibot na pulis sa bisinidad ng bahay.
- Latest
- Trending


















