APO umalma sa DOJ
MANILA, Philippines - Umalma kahapon ang Alpha Phi Omega (APO) fraternity dahil sa pag-uugnay ng Department of Justice (DOJ) sa kanilang samahan sa bar exam blast at sa mga nauna pang pagsabog sa dalawang Unibersidad.
Dahil dito kayat hinamon ni APO spokesman Ferdie Ramos si Justice Secretary Leila de Lima na sampahan ng kaso sa korte ang ilan sa kanilang mga miyembro na umanoy sangkot sa pagpapasabog sa halip na idaan pa ito sa media.
Iginiit pa ni Ramos na trial by publicity ang ginawa ni de Lima dahil sa pagtukoy nito sa kanilang fraternity na siyang nasa likod ng bombing sa mga unibersidad bagamat wala pang matibay na ebidensya .
Matatandaan na umapela si de Lima sa pamunuan ng APO na isuko na ang dalawa sa mga miyembro nitong sangkot sa De La Salle bombing na hindi pa isiniwalat ang pangalan sa publiko kasabay ng pagbubunyag na ang nasabi ding fraternity ang lumilitaw na nasa likod ng pagpapasabog noon sa La Consolacion College noong 2008, gayundin noong Marso 2010 sa University of Perpetual Help sa Las Piñas.
Dagdag pa ni Ramos, sa halip umano na kondinahin sila ay sampahan na lamang sila ng kaso kung may ebidensya ang DOJ samantalang tinawag naman nitong “guesswork” ang ginagawang imbestigasyon ng NBI sa kaso dahil na rin sa tinutukoy agad ang APO kahit hindi pa umano batid ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Nauna nang sinabi ni de Lima na bagamat tukoy na nila ang 2 pang sangkot sa DLSU bombing noong Setyembre 26 ay binibigyan pa nito ng pagkakataon ang APO na isuko ang mga ito alinsunod na rin sa nauna nang napagkasunduan na makikipagtulungan ito sa isinasagawang imbestigasyon.
- Latest
- Trending