MANILA, Philippines - Itinaling parang baboy ang isang babaeng negosyante at ang katulong nito matapos na looban ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Waray-Waray robbery holdup gang na nagpakilalang mga pulis sa Navotas City, iniulat kahapon. Kinilala ang mga biktimang sina Luz Maico, 42, isang negosyante, ng Mandaragat St., Brgy. North Bay Blvd. South ng nasabing lungsod at ang katulong nitong si Nenita Valdos, 49.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Navotas City Police laban sa apat na hindi pa nakikilalang mga suspek. Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali sa loob ng bahay ng biktima nang puwersahang pumasok dito ang apat na suspek na armado ng baril na nagpakilala pang mga pulis bago nagdeklara ng holdap. Agad na itinali ang mga biktima at nilimas ng mga ito ang perang nagkakahalaga ng P100,000 assorted na alahas, tatlong Nokia cellphone at iba pang mahahalagang kagamitan at saka mabilis na nagsitakas.