MANILA, Philippines - Isang lalake ang nasawi habang malubhang nasugatan ang kaibigan nito makaraang pagsasaksakin ng isang dating tauhan ng PC dahil sa dating alitan sa lungsod Quezon kamakalawa.
Nakilala ang nasawi si Zennen Villanueva, 40, residente sa Plana Compound, Brgy. Kaunlaran, Cubao. Habang patuloy namang ginagamot ang sugatang si Rogacia del Monte, 53 ng nasabi ring lugar.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may harap ng Ara market sa may Brgy. San de Porres Cubao ganap na alas- 9 ng gabi.
Diumano, naglalakad ang mga biktima sa lugar nang masalubong nito ang suspect. At dahil may dati nang alitan nagkaroon ang mga ito ng komosyon.
Dahil dalawa laban sa isa ang labanan, nagpasyang magbunot ng patalim ang suspect saka winasiwas ng saksak ang mga biktima sa kani-kanilang mga katawan at saka tumakas.
Samantala, sa pagresponde naman ng mga tropa ng Barangay Police and Security Officers (BPSO) ay nadakip ang suspect na si Bernardo Ilagan habang naglalakad sa may Baniste St., sa Brgy. San De Porres at dinala sa himpilan ng QCPD sa Camp Karingal.
Itinatanggi nito na siya ang sumaksak sa mga biktima dahil siya pa daw ang naagrabyado nang mapalo siya sa ulo at kamay at nahilo kung kaya hindi niya alam ang pangyayari.