Binatilyo todas sa frat war

MANILA, Philippines - Isang binatilyo ang nasawi makaraang mapatay sa saksak ng mga miyembro ng kalabang fraternity, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Nasawi habang ginagamot sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Dan Angelo Agapito, 16, ng   J. Luna St. ng naturang lungsod.

Naaresto naman ng pulisya ang apat na mga menor-de-edad na suspek na pawang nasa gulang na 14 hanggang 16 anyos, mga residente ng Paliparan, Dasmariñas, Ca­vite at mga miyembro ng True Brown Style Gang.

Sa ulat ng Pasay police, naganap ang krimen dakong alas-11 ng gabi sa kanto ng Ignacio at Figueroa Sts. sa naturang lungsod. Nabatid na nakaistambay sa naturang lugar ang biktima kasama ang barkadang si Darryle Nava nang dumating ang walong mga suspek at pinalibutan ito habang nagawang makatakbo ng kaibigan nito.

Dito pinagtulungang gul­pi­hin at saksakin ng mga kabataang miyembro ng TBS ang nag-iisang biktima na nilubayan lamang ng hindi na ito gumagalaw at puno ng dugo sa buong katawan.

Nagsagawa naman ng follow-up operation ang pulisya kung saan isa-isang nadakip ang apat sa walong salarin.  Inamin naman ng isang alyas Bimbo na siya ang nakasaksak sa biktima dahil sa miyembro umano ito ng kaaway nilang gang na humahanting rin sa kanila.

Show comments