Presyo ng petrolyo tumaas uli
MANILA, Philippines - Muling nagpatupad kahapon ng pagtataas sa presyo ng kanilang produktong petrolyo ang Filipinas Shell at Chevron Philippines ngunit kapwa itinanggi na may kinalaman ito sa pagkasuspinde ng operasyon ng Batangas-Pandacan pipeline.
Parehong nagtaas ng P.50 sentimos sa kada litro ng regular na gasolina at P.25 kada litro ng premium, unleaded, diesel at kerosene ang dalawang kompanya.
Kapwa iginiit naman nina Roberto Kanapi at Toby Nebrida, mga tagapagsalita ng Shell at Chevron na walang kaugnayan ang pagtataas sa presyo ng kanilang mga produkto sa pagpapatigil ng operasyon ng pipeline kung saan dumaraan ang suplay ng kanilang mga petrolyo. Sinabi ng dalawa na ang pagtataas ay dulot ng paggalaw ng presyo ng krudo sa internasyunal na merkado na kailangan naman nilang sundan.
Ang muling pagtataas ay kasabay na nagsisimula nang maramdaman ang pagnipis ng suplay ng gasolina kung saan maraming gasolinahan ang naubusan na ng ibinibentang petrolyo sa mga motorista partikular na ang Filipinas Shell.
Sinabi ni Kanapi na hindi nila ipapasa ang dagdag na gastos sa publiko sa mga alternatibong paraan ng delivery ng kanilang mga produkto kung saan gumagamit sila ngayon ng mas maraming delivery tankers at barges.
Nakabuti rin umano ang pagtaas ng halaga ng piso dahil sa naging mas mababa ang pagtataas sa petrolyo. Ngunit posibleng magkaroon pa umano ng mga susunod na oil price hike dahil sa pagsapit ng taglamig sa maraming bansa na inaasahang kokonsumo ng mas maraming petrolyo.
- Latest
- Trending