Pipeline tangkang pasabugin

MANILA, Philippines - Tinitignan ang anggulong terorismo sa pama­magitan nang pagpapasabog sa pipeline ng First Philippine Industries Corp. (FPIC) sa naganap na hostage/shootout sa Makati kamakalawa ng tanghali na ikinasawi ng tatlo katao.

Ito ang sinabi kahapon ni Makati City police chief, Sr. Supt. Froilan Bonifacio makaraang hagisan umano ng sinasabing kasamahan ng nasawing suspek ng granada ang pipeline bago maganap ang barilan. 

Isang barangay tanod ang nagsabi na bumagsak ang granada sa hinukay na pipeline sa may Osmena Highway sa Brgy. Bangkal ngunit masuwerteng hindi ito sumabog.

Ngunit iginiit ni Bonifacio na hindi pa ito kumpirmado at isa lamang sa mga anggulo na kanilang tinitignan sa insidente kung saan hindi pa umano kumpleto ang kanilang ulat ukol dito. 

Posible rin naman umano na miyembro ng isang grupo ng holdaper ang nasawing salarin na maaaring sasa­lakay sa naturang lugar.

Patuloy namang kinikilala ng pulisya ang nasawing suspek habang hinihintay ang resulta ng awtopsiya sa bangkay nito.

Dahil sa insidente na nagresulta sa pagkasawi ng bumberong si Fire Officer­ 3 Armado Bose, isa sa bantay sa hinuhukay na pipeline at pedicab driver na si Benjamin Sotelo, mas itinaas na ang seguridad sa bisinidad ng West Tower Condominium sa pagdaragdag ng bantay na pulis.

Irerekomenda rin ni Bonifacio na ilipat ang kanilang mga checkpoints sa ibang mas istratehikong lugar na hindi inaasahan ng mga kriminal upang mas maging epektibo.

 Matatandaan na ilang mga bansa ang nagpalabas ng travel advisory kontra sa Pilipinas sa pangunguna ng Estados Unidos dahil sa banta umano ng terorismo.

Show comments