3 palengke sa QC ipinasara
MANILA, Philippines - Ipinasara ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang tatlong pribadong palengke sa Balintawak dahil sa pagbebenta ng mga double-dead meat o botcha.
Ang mga ipinasara ni Bistek ay ang MC, Riverview at Cloverleaf markets na napaulat na nagiging bagsakan o distribution center ng ipinagbabawal na karne.
“Ang concern po natin dito ay mahinto ang pagpasok ng mga double-dead meat sa ating mga pamilihan,” paliwanag ni Mayor Bautista.
Una rito, pinabawi ni Bautista ang market at sanitary inspection permits na inisyu ng QC hall sa mga may-ari ng tatlong palengke habang nakabinbin pa ang pagsunod ng mga ito sa ipinatutupad na mga batas at patakaran hinggil sa sanitasyon at kaligtasan ng publiko.
Una nang inirekomenda ni City Veterinarian Dr. Ana Marie Cabel ang pagpapasara sa tatlong palengke dahil sa kawalan ng kakayahan ng mga may-ari na mapatigil ang talamak na pagtitinda ng botcha sa kanilang nasasakupan, lalo na yaong ibinebenta ng mga illegal vendor.
- Latest
- Trending