Hostage-taker, 2 pa utas sa Makati
MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasawi kabilang ang isang hostage- taker na walang habas na namaril nang mang-agaw ng motorsiklo, kahapon sa Makati City.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nasawing suspek na hindi nakunan ng anumang identification card. Nakilala naman ang iba pang mga nasawi na sina Fire Officer 3 Armando Buce, ng Palanan Fire Station at isang hindi pa nakikilalang pedicab driver.
Sa inisyal na ulat ng Makati police, dakong ala-1 ng hapon nang agawin ng salarin ang motorsiklo ni Buce na isa sa mga bumbero na nagbabantay sa bisinidad ng West Tower Condominium sa Brgy. Bangkal, dahil sa gas leak.
Pumalag umano si Buce kaya ito pinagbabaril ng salarin gamit ang isang submachine gun habang binaril din ang pedicab driver na nasa bisinidad.
Agad na pinaharurot ng salarin ang motorsiklo ngunit bumangga ito sa pagmamadali. Dito tumakbo ang salarin sa isang bahay sa may kanto ng P. Santos at Belarmino St. at hinablot ang may-ari ng bahay na si Reah Ang, 41, na siyang ginawang hostage.
Binitiwan naman ng salarin si Ang nang dumating ang mga rumespondeng pulis kung saan nakipagbarilan muna ito bago pumasok sa loob ng bahay. May ilang oras ang lumipas nang pasukin ng mga pulis ang bahay kung saan nakita ang salarin na wala nang buhay dahil sa tinamong mga tama ng bala.
Hinala ng pulisya, miyembro ng isang sindikato ng holdap group ang salarin na nang-aagaw ng motorsiklo na ginagamit sa kanilang panghoholdap.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
- Latest
- Trending