10 pamilya naabo ang tahanan
MANILA, Philippines - Tuluyang nakaranas ng kalungkutan sa Araw ng Undas ang may 10 pamilya makaraang maabo ang kanilang mga tahanan sa sunog na naganap sa Quezon City kahapon.
Ayon kay Fire Officer 1 Jesse Gealon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nangyari ang sunog sa bahay na pag-aari ng isang Esperanza Bautista, 67, dalaga na matatagpuan sa may #11 P. Bautista St., Brgy. Pansol ganap na alas-8:34 ng umaga.
Nagsimula umano ang apoy sa may paupahang boarding house ni Bautista na matatagpuan sa ground floor nito sa hindi mabatid na kadahilanan.
Sinabi ni Gealon, nanunuluyan umano sa naturang paupahan ang isang alyas Angelo at alyas Rannie ngunit wala umano ang mga ito nang maganap ang sunog.
Sinasabing yari sa bato at kahoy ang naturang kabahayan, ngunit mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa madamay ang kalapit bahay nito.
Umabot naman sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula ito ganap na alas-9:38 ng umaga.
Tinatayang nagkakahalaga ng P1.2 milyon ang napinsalang ari-arian, habang wala namang iniulat na nasaktan o nasawi dito.
- Latest
- Trending