MANILA, Philippines – Pinagtulungang gulpihin at saksakin ang isang 17-anyos na Criminology student ng grupo ng kalalakihan na sinasabing rumesbak sa kaniya sa panulukan ng Zafiro at Estrada Street sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Idineklarang patay sa Ospital ng Sta. Ana si Gerald John Capuz ng #5486 Boyle Street, Palanan, Makati City.
Tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Ronald Roque, Gerald Almoradie, Emmanuel Berba, Nicorenzo Barruelo, isang alyas Omar, Jessie Boy Angeles at si Christopher alyas Topher.
Sa ulat ni PO3 Efren Flores ng Manila Police District-Homicide Section, lumilitaw na magkakasamang nag-iinuman ng alak ang ilang kalalakihan kabilang na ang biktima at syota nito sa bahay ni Nicole Opianas nang makihalubili ang mga suspek.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay sinuntok ng isa sa suspek ang syota ng biktima kaya ipinagtanggol naman ng lalaki.
Dito na pinagtulungang kuyugin ng mga suspek ang biktima sa harap ng kanyang syota.