Human trafficker tiklo
MANILA, Philippines - Isang hinihinalang human trafficker ang naaresto sa aktong nag-e-escort sa anim na sinasabing undocumented overseas Filipino workers (OFWs) na patungong Lebanon, sa Diosdado Macapagal International Airport, sa Clark, Pampanga.
Kinilala ni Immigration officer in charge Ronaldo Ledesma ang suspect na si Marsha Mendoza, residente ng Angeles City, ang sinasabing courier ng human trafficking syndicate.
Kasamang pinigil sa departure area ang anim na babaeng nakuhanan o nagprisinta ng mga dokumentong pawang mga peke umano.
Nakatakda nang sampahan ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking In Persons Act si Mendoza sa Angeles City Prosecutor’s Office.
Ayon kay Atty. Carlos Capulong, head supervisor ng Immigration sa DMIA nabisto ang mga pekeng dokumento ng anim na Pinay na hindi pinangalanan matapos lumitaw na walang invitation para sa kanila para dumalo sa isang seminar sa HongKong.
Nabatid na gagawing jump off point lamang umano ang HongKong ng mga Pinay patungong Lebanon para mamasukang domestic helper.
Tinangka ng suspect na suhulan ng P60,000 ang isang immigration officer mapayagan lamang na makaalis ng bansa ang 6 na kaniyang ini-eskortan.
- Latest
- Trending