MANILA, Philippines - Patay agad ang isang 45- anyos na lalake makaraang mahulog sa kalsada habang sakay ng isang pampasaherong jeepney sa may Katipunan Road, sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Carlos Rodriguez, 45, ng Block 2, Pook Polaries, UP campus, Diliman sa lungsod.
Nakilala naman ang driver ng jeepney na si Crispin Mamamaril, 45, ng Pansol, Balara, sa lungsod.
Ayon sa ulat , nangyari ang insidente sa may Katipunan Road sa harap ng Nawasa Building sa lungsod dakong alas- 7:50 ng gabi.
Bago nito, sakay ni Mamamaril ang biktima patungong CP Garcia St., nang pagsapit sa Katipunan Road ay bigla na lamang nahulog ang huli sa kalsada.
Dahil sa pangyayari, nagtamo ng matinding pinsala ang katawan at ulo ng biktima na agad na ikinamatay nito.
Patuloy ang pagsisiyasat ng TS3 sa nasabing insidente upang mabatid ang dahilan ng pagkakahulog ng biktima, habang kasong reckless imprudence resulting in homicide ang kinakaharap ngayon ng suspect.