17-anyos patay sa hazing
MANILA, Philippines - Natagpuan kahapon ng umaga ang bangkay ng isang 17-anyos na binatilyo na sinasabing namatay sa hazing at saka isinemento ang katawan sa loob ng isang plastic push cart na drum na lumutang sa Manila Bay sakop ng Binondo, Manila.
Tinutugis na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang ilang miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na nagsagawa base sa report ay siyang responsable sa pagkamatay ng biktima habang ang isa na nakonsensiya ay sumuko kahapon. Nakilala itong si German Palacio, 28.
May tatlong araw na umanong patay ang biktimang kinilalang si Noel Borja Jr., estudyante ng Alternative Learning School at residente ng Area B, Gate 50, Parola Compund, Binondo, Manila.
Sa ulat ni SPO3 Paul Dennis Javier ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9 ng umaga nang mamataan ng dalawang bata ang nakalutang na plastic na kariton sa dagat sa tapat ng Parola Compound.
Nag-agawan pa umano ang 2 bata subalit nang alamin ay nadiskubreng katawan ng tao na nakabaon sa semento ang nasa loob nito.
Nabatid mula sa isang alyas “Joshua”, isa siya sa ni-recruit ng mga miyembro ng nabanggit na fraternity noong Linggo (Oktubre 24) at kasabay niya ang biktima sa initiation rites sa bahay ng isang alyas “Neil” , habang isang alyas “RC” naman ang namuno umano sa hazing.
“Ginamitan ho kami ng paddle at pinatakan ng kandila ang aming katawan,” ani Joshua na naglantad pa ng namamaga niyang magkabilang hita at mga sugat sa kanang hita dahil sa mga hataw ng paddle. Nang matapos umano ang hazing ay pinagpahinga sila sa isang papag subalit hindi umano nakayanan ng biktima ang sakit ng pagpalo sa kanya hanggang sa sumuka ng dugo at nawalan ng malay.
Nang mapansin na hindi na umano humihinga ang biktima ay agad itong itinali ng mga suspect at kumuha umano ng buhangin at semento at hinalo. Hindi na umano niya nakita ang mga sumunod na pangyayari dahil nakatulog siya sa pagod at hirap, ayon pa kay Joshua.
- Latest
- Trending