Babala ng PNP sa publiko: Mag-ingat sa mga katulong na kasabwat ng 'Dugo-dugo gang'
MANILA, Philippines - Nagbabala ang pamunuan ng Quezon City Police sa publiko lalo na ang mga pamilyang nangangailangan ng katulong laban sa sindikato ng Dugo-dugo gang na ngayon ay kinakasabwat ang mga katulong para sa kanilang iligal na operasyon.
Aksyon ito ni Supt. Constante Agpaoa, hepe ng Police Station 10 ng Quezon City Police, matapos na ipag-utos nito ang agarang pagdakip sa katulong ng executive secretary sa Admin Dept. ng AFSLAI na natangayan ng halagang P.2 milyong alahas.
Ang katulong ay kinilalang si Evelyn Gadures, 17, dalaga, stay-in sa kanyang among si Grace Rosal, 39, ng Sct. Reyes St., Brgy. Roxas District sa lungsod.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, nag-ugat ang insidente matapos na magreklamo si Rosal sa nasabing tanggapan makaraang maabutan niya ang kanyang kuwarto sa ikalawang palabag ay nagkalat ang gamit at ang dalawang cabinet na pinaglalagyan ng alahas niya ay wasak dahil sa puwersahang pagbukas dito gamit ang martilyo, pasado alas- 6 ng gabi.
Sinasabing galing ang biktima sa simbahan at iniwan niya sa bahay ang katulong.
Ayon sa kanyang pinsang si Rosemarie Mercado, 28, bago ang insidente, nilapitan umano siya ni Gadures ganap na ala-1 ng hapon at humingi ng tulong dahil sa nakatanggap umano siya ng tawag sa telepono mula sa isang Michael Gonzales na sekretaryo raw ng isang ospital na si Rosal ay nasangkot sa vehicular accident at naka-confine sa naturang pagamutan.
Dahil dito, nangangailangan daw ang biktima ng malaking halaga ng salapi para pambayad sa hospital bills nito kasabay ng utos na buksan niya ang cabinet at hanapin ang mga alahas ng una.
Dagdag pa ni Mercado, sinamahan niya ang katulong sa bahay ng biktima at doon ay nakausap niya ang lalaking caller at inutusan silang magpunta sa ospital na dala ang pera na pambayad na siya naman nilang ginawa sakay ng isang taxi.
Pagsapit sa ospital ganap na ala-1:45 ng hapon ay nakatanggap muli ng tawag si Mercado mula sa suspect na ibinigay ang kanyang landline para magreturn call siya.
Sa pag-uusap ni Mercado at suspect ay sinabi ng huli ang kondisyon ng biktima na kritikal umano ito at hindi magawang makapagsalita dahil sa tinamong sugat sa bibig kasabay ng sabing dapat ay sikreto lamang nila ang nangyari base sa pakiusap umano ng biktima.
Ilang sandali nagpasya si Mercado na pauwiin ng bahay si Gadures para kumuha ng mga damit na maisusuot ng biktima. Hanggang ganap na alas-3:30 ng hapon ay hindi pa bumabalik si Gadures dahilan para magpasya si Mercado na umalis.
Pero dahil nagduda sa sitwasyon, nagpasya si Mercado na tawagan ang biktima kung saan dito niya nakumpirma mula sa huli na walang aksidenteng naganap sa kanya at si Gadures ay hindi na rin nagpakita sa kanila.
- Latest
- Trending