Naburyong dahil sa paulit-ulit na paghuli: Traffic enforcer sinagasaan ng inaarestong driver
MANILA, Philippines - Isang traffic enforcer ang nasawi makaraang sadyaing sagasaan ng isang jeepney driver na kanya na naman umanong pinapara para arestuhing muli sa paglabag sa batas trapiko sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Louie-ly Castillo, 32, nakadestino sa Nova District Center at residente sa Sitio Looban, Brgy. Kaligayahan sa lungsod.
Arestado naman ang suspect na si Rolando Aquino, 38, ng Phase 6, Banaba St., Camarin Caloocan City.
Ayon kay PO2 Loreto Tigno ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, masyado na umanong nabuwisit ang suspect sa biktima dahil halos apat na ulit na umano siyang hinuhuli nito at naglalagay lamang para makawala.
Naganap ang insidente sa Quirino Highway, Brgy. Sta Monica ganap na alas-6:30 ng umaga.
Diumano, sakay ng kanyang pinapasadang jeepney (NXD-977) ang suspect at tinatahak ang lugar nang biglang sumulpot ang biktima at muli siyang pinapara.
Dahil muli na namang huhulihin ang suspect sa paglabag sa loading at unloading, naburyong ito kung saan sa halip na huminto ay sinagasaan na lang niya ang biktima sanhi upang tumilapon ito at malasog ang katawan.
Nagawa pang maitakbo ng mga nagmalasakit na mamamayan ang biktima sa Nova General hospital ngunit idineklara din itong patay ganap na alas-8:45 ng umaga.
Agad namang hinabol ng taumbayan ang suspect saka pinagtulungang gulpihin bago tuluyang isuko sa mga awtoridad.
Nakapiit ngayon ang suspect sa himpilan ng CIDU habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.
- Latest
- Trending