Manager ng punerarya utas sa riding in tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang 37-anyos na operation manager ng Arcangel Funeral Homes, matapos na barilin na agad nitong ikinamatay, kahapon ng umaga sa Sampaloc, Maynila.
Nagtamo ng bala ng baril sa mukha, tenga at dibdib ang biktimang si Wilfredo Estiandan, ng Blk 51, L 3 Heritage Homes, Meycuayan, Bulacan.
Sa inisyal na ulat ni SPO3 Dennis Javier ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng umaga sa harap ng burger stand sa V. Cruz , Sampaloc, Maynila.
Ayon sa pulisya, posibleng nagpanggap na magpapaserbisyo ng patay mula sa Qatar, na lingid sa kaalaman ng biktima ay mga hired killers.
Naging kapuna-puna din umano ang pagpunta kamakalawa ng umaga ng dakong alas-7:00 ng isa sa suspect na nasa edad na 20 hanggang 25, may taas na 5’7 hanggang 5’8, at nag-inquire muna umano para sa serbisyo ng kaanak na patay mula sa bansang Qatar. Kinagabihan ay muling dumating ang suspect sa punerarya at umalis.
Dakong 9:30 ng umaga ng bumalik ang suspect ka sama ang isa pa.
Pinagmeryenda pa ng biktima ang mga suspect at saka sabay-sabay na sumakay ng motorsiklo.
Bago pa man umandar ang motorsiklo, ay biglang may umalingawngaw na mga putok at nakita ng isang Raymart Taluban ang pagbagsak ng biktima mula sa motorsiklo.
Matapos iyon ay isinukbit umano ng suspect ang baril sa beywang bago tuluyang tumakas papuntang España.
Ang nasabing punerarya ay isa sa awtorisado ng MPD-Homicide na magserbisyo sa mga namamatay na taga-Maynila.
- Latest
- Trending