“Holdaper ako!”
MANILA, Philippines - Ito ang mga katagang na nakasulat sa maliit na papel na iniwan ng isang di nakikilalang salarin sa bangkay ng lalaki na pinagbabaril sa lungsod Quezon kahapon.
Nakilala ang biktimang si Marco Redito, 28, garbage collector ng no. 265 Litex Rd. Bayanihan St. Bgy. Commonwealth Q.C.
Sa pasisiyasat ni PO2 Norlan Margallo ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, nangyari ang insidente bandang 1:15 ng madaling araw malapit sa bahay ng biktima.
Ayon sa live-in partner ng biktima na si Lady Fair Ninada, nagpaalam sa kanya ang biktima na pupunta sa bahay ng kanyang mga kaibigan.
Subalit hindi pa ito nakakalayo ay nakarinig na siya ng mga putok ng baril sa labas ng kanilang bahay dahilan para agad siyang lumabas at nakitang duguan at tadtad na ng bala ng baril sa katawan ang biktima.
Mula dito ay nakita ni Ninada ang isang maliit na papel sa tabi ng biktima at naka-sulat ang mga katagang “holdaper ako”.
Mabilis ding tumakas ang salarin matapos ang pamamaril sa biktima.