40-footer van ng resin hinaydyak
MANILA, Philippines – Anim na miyembro ng sindikato ng hijacking ang pinaghahanap ngayon matapos tangayin ang isang 40-footer van na naglalaman ng plastic resin, habang papalabas ng North Harbor, Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Sa reklamong inihain sa Manila Police District-Anti Carnapping and Hi-jacking Unit ng driver ng trailer truck, UEX-376, na si Alejandro Lacea, 34, residente ng Angat, Bulacan at pahinante nitong si Rolando Besajan, 32, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Road 10, North Harbor, Tondo, Maynila.
Ihahatid sana nila ang resin sa bodega nito sa Valenzuela City nang sigawan umano siya ng nakabuntot na sasakyang walang ilaw kaya nagmenor si Lacea.
Mabilis umanong nilapitan sila ng anim na lalaki at puwersahang inilabas ng truck at isinakay sa isang Fortuner na walang plaka.
Anim umano ang mga suspect at ang ilan diumano ay pawang Chinese-looking.
Sinapak umano sila at piniringan ang kanilang mga mata. Narinig nila ang isa sa suspect na may kausap sa cellphone sa lengguwaheng Intsik kaya ang naintindihan lamang umano ay salitang “uncle” at “uncle okey na ba?”
Ibinaba sila sa bahagi ng Biak na Bato St., sa Quezon City.
Nalaman na ang na hi-jack na kargamento ay galing sa Singapore at pag-aari ng mga pabrika sa Valenzuela City na gumagawa ng mga produktong plastic.
- Latest
- Trending