Bagong istasyon ng LRT binuksan na
MANILA, Philippines - Binuksan na ang pinakabagong istasyon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) Line 1 Extension sa Roosevelt, Quezon City upang serbisyuhan ang nasa 3,000 pang pasahero kada araw.
Ang Roosevelt Station ang ikalawang istasyon na binuksan ng LRT kasama ang Balintawak Station na binuksan noong Marso 22. Dadaan ito sa Muñoz, Project 6 at Project 8 at inaasahang kokonekta sa Metro Rail Transit sa oras na matapos na ang konstruksyon ng “common station” sa may North Avenue, EDSA.
Sinabi ni Department of Transportation and Communications Undersecretary for Public Information Dante Velasco na inaasahang aakyat pang lalo ang 500,000 kada araw na pasahero ng LRT na bibiyahe na ngayon mula Roosevelt hanggang Baclaran sa Parañaque City.
Binuksan ang bagong istasyon dakong alas-12 ng tanghali kung saan sisingil ng pinakamahal na P20 kada pasahero hanggang Baclaran na inaasahan na kulang sa isang oras ang magiging biyahe.
Dalawang tren pa umano ang idadagdag sa kanilang sistema upang makayanan ang dami ng magiging bagong pasahero. Ipinagmalaki ng LRTA na kumpleto sa escalator, elevator, closed circuit television cameras ang bagong istasyon ngunit patuloy naman na wala itong pampublikong palikuran para sa mga pasahero.
Sa kabila nito, sinabi ni Velasco na hindi pa makukumpleto ang “loop” na magkokonekta sa LRT sa MRT ngayong taon kung saan aabot pa umano sa walo hanggang 10 buwan ang magiging konstruksyon bago matapos ang common station sa may North Avenue.
Inaasahang matatapos ang North Extension project hanggang Hulyo ng taong 2011 na ginastusan ng tinatayang nasa P9 bilyon.
- Latest
- Trending