MANILA, Philippines - Inireklamo sa pulisya ang isang barangay chairman matapos nitong tutukan ng baril at saktan ang isang ginang na naging dahilan upang mahulog ang karga nitong sanggol kahapon sa Caloocan City.
Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang suspek na si Chairman Bernardo Saraza, ng Barangay 72 at residente ng Victory Compound ng nasabing lungsod.
Nagtungo sa Caloocan City Police ang biktima, na kinilalang si Janice Namol, 26 , naninirahan sa Victory Compound, Caloocan City upang pormal na magharap ng reklamo.
Ayon sa Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Caloocan City Police, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-12 ng tanghali at ala-1 ng hapon, sa harapan ng tanggapan ng Barangay 72 na matatagpuan sa Victory Compound. Ayon sa naging salaysay ng biktima, kasalukuyan siyang nakatayo sa harapan ng barangay hall habang karga-karga ang kanyang sanggol, nang bigla siyang lapitan ni Saraza, na nakasukbit ang baril sa beywang at hinahanap ang kanyang mister. Nang hindi masabi ng biktima kung nasaan ang asawa ay agad siyang hinaltak ng kapitan sa kaliwang braso dahilan upang mahulog sa lupa ang kanyang anak na 1-taon gulang Hindi pa umano nasiyahan si Saraza at sinipa pa nito sa kaliwang binti ang biktima at tinutukan ng baril sa mukha bago sabihing ang mga katagang “Lumayas na kayo hindi ko kayo kailangan”. Dahil sa labis na takot ay agad na umalis sa naturang lugar ang biktima at matapos ang ilang sandali ay nagtungo ito sa himpilan ng pulisya upang pormal na magharap ng kaukulang kaso laban kay Saraza.