Triplets isinilang sa PNP General Hospital
MANILA, Philippines - Isinilang sa Philippine National Police (PNP) General Hospital sa Camp Crame ang triplets na sanggol na mga babae na anak ng isang bagitong pulis at ng misis nitong isang guro nitong Miyerkules ng umaga.
Sa panayam kay PO1 Cesar Taguba, ama ng sanggol na nakatalaga sa Northern Police District (NPD), Love (Pag-ibig), Faith (Paniniwala) at Hope (Pagasa) ang ipapangalan nila ng kanyang misis na si Harlene, 26, sa kanilang triplets.
Ayon sa pulis, isinilang ang kanilang ikalawa, ikatlo at ikaapat na anak na babae sa pamamagitan ng caesarean delivery sa nasabing pagamutan.
Sinabi ng rookie cop na alas-8:58 ng umaga nang unang iluwal ang isa sa mga triplets, alas-8:59 ang ikalawa at dakong alas-9 naman ang ikatlo.
Nabatid na ang panganay ng mga itong anak na si Precious ay dalawang taon pa lamang nang masundan ng hindi nila akalaing triplets na itinuturing nilang biyaya at suwerte sa pagsasama nilang mag-asawa.
“Triplets ang anak ko kaya triple rin ang kayod natin, itataguyod ko ang aking mga anak kahit hirap kami, God given na ito,” ani PO1 Taguba na nagpapasalamat din dahilan sa kabila ng triplets ay normal ang mga sanggol.
Sa rekord ng PNP, ang isang PO1 ay may salary grade na P12,150 at konting allowance para sa pagkain at iba pa. Inihayag pa ni PO1 Taguba na lahi sila ng mga kambal na ilang henerasyon na sa kanilang pamilya.
Inihayag naman ni Dra. Maria Angela Vidal, na ito ang unang pagkakataon na may triplets na ipinanganak sa PNP General Hospital simula nang itatag ito noong 1950 at kung may ipinanganak man dito, may ilang taon na ang nakakaraan ay kambal naman ito.
Ayon pa sa doktora, malusog ang triplets na pawang “full term” ang pagkakasilang at normal pati ang bigat ng mga ito na naglalaro sa 2.2 hanggang 2.4 pounds.
Tiniyak pa nito na walang anumang dapat ikabahala sa gastusin si PO1 Taguba dahilan sagot na ng PNP General Hospital ang gastusin nito.
- Latest
- Trending