Boy nagbigti matapos ipatalo sa sabong ang pera ng amo
MANILA, Philippines - Dahil sa takot at pagkabahala na hindi na mabayaran ang perang koleksyon para sa kanyang amo matapos na naipatalo sa sabong, nagbigti ang isang delivery boy kahapon sa lungsod Quezon.
Kinilala ang nasawi na si Juanito Aguirre, 31, delivery boy ng mga assorted food product, at residente sa Banaba St., Brgy. Payatas sa lungsod.
Ayon kay PO2 Rodel Dapat, may hawak ng kaso, si Aguirre ay natagpuan ni Rene Maceda, pinsan ng kanyang kinakasama, habang nakabitin sa kawayang kisame ng isang tindahan malapit sa kanyang tinutuluyan, ganap na alas-4:29 ng madaling-araw.
Bago ang insidente, Martes ng alas-10 ng umaga ay pinuntahan umano ang biktima ng kanyang amo at kinompronta sa perang nakolekta nito na halagang P9,000 na hindi nito nire-remit.
Sinabi ni Dapat na nakiusap umano ang biktima sa amo na sasabay-sabayin na lamang ang pagre-remit kapag nakolekta niya ang pang-Martes na koleksyon.
“May kukolektahin pa kasi ’yung biktima ng pera nung Martes kaya pinakiusapan nito ’yung amo na isasabay na lang ’yung unang pera na halagang P9,000 para sa kabuuang P19,000 kaya napapayag ito (amo),” sabi ni Dapat.
Subalit, matapos na makolekta umano ng biktima ang pera, ay itinuloy niya ito sa sabungan sa Antipolo City sa halip na ibigay sa amo, sa pag-asang dito na niya makukuha ang kakulangan, ngunit nabigo itong manalo at maubos ang nasabing pera.
“’Yung pagsasabong niya, ikinuwento sa atin ng kasama niya sa sabungan, kaya galing mismo rito ang impormasyon na natalo nga sa sugal ang biktima,” sabi pa ni Dapat.
Patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa naturang insidente.
- Latest
- Trending