Sekyu nabagsakan ng poste, patay
MANILA, Philippines - Isang security guard ang nasawi, makaraang madaganan ng bumagsak na poste habang papasok sa kanyang trabaho sa kasagsagan ng paghagupit ng malakas na hangin dulot ng bagyong Juan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Maciste Alonzo, 44, ng Jaguar Uniwide Security Agency at residente sa Sgt. Rivera Avenue, Brgy. Manresa sa lungsod.
Ayon sa ulat, dead-on-the-spot ang biktima dahil sa matinding pinsalang natamo nito sa ulo.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na nangyari ang insidente sa may NS Morato St., Brgy. Saint Peter ganap na alas-7:30 ng gabi.
Ayon sa saksing si Bobby Cadelina, nakasakay umano sa bisikleta ang biktima at tinatahak ang naturang lugar nang biglang bumuwal ang poste ng Meralco na may numerong QC-1710 at madaganan ang una.
Sinasabing sa pagbagsak ng poste ay direktang tumama sa ulo ng biktima dahilan para maipit ito at agad niyang ikinamatay.
Sinabi ng asawang si Emelita Alonzo, papunta sana ang kanyang mister sa Metrobank sa Balut, Tondo para pumasok nang mangyari ang sakuna.
Ayon naman sa mga residente, mahina na umano ang pundasyon ng naturang poste kung kaya bumigay na ito lalo nang umihip ang malakas na hangin at ulan dulot ng bagyong Juan.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ng CIDU sa naturang insidente.
- Latest
- Trending