MANILA, Philippines - Nasawi ang isang negosyante makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na tumakas tangay ang bag nito na naglalaman ng pera, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Hindi na naisalba ng mga manggagamot sa Parañaque Hospital ang biktimang si Roben Magpantay, 53, at residente ng no. 25 A Reyes St., Purok 3, New Lower Bicutan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Taguig police, papaalis pa lamang ang biktima lulan ng kanyang motorsiklo (UE-3199) nang agad na tambangan ng mga salarin. Nabatid na may negosyong pagpapautang ng pera ang biktima.
Agad namang sumaklolo ang mga kaanak ng biktima na nagsugod sa kanya sa pagamutan.
Ayon sa mga kaanak nito, dala ng biktima ang malaking halaga ng salapi na ipinauutang nito sa kanyang mga kliyente.
Malaki ang hinala ng pulisya na planado ang naturang panghoholdap at matagal nang minamanmanan ang kilos ng biktima.
Posible ding tiniyak lamang ng mga suspect na makukuha sa anumang pamamaraan ang dalang bag ng biktima kaya’t minabuting ratratin kaagad upang hindi pumalpak ang kanilang panghoholdap.
Samantala, isang negos yanteng ginang din ang hinoldap ng limang armadong kalalakihan at natangayan ng higit sa milyong halaga ng tindang cellphones at cash habang sakay ng kanyang Toyota Fortuner na inagaw din matapos ang insidente sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon sa QCPD-PS 7, nangyari ang panghoholdap sa biktimang si Fatima Tumawis sa may P. Tuazon St., Bgy. Kaunlaran ganap na alas-9:30 ng gabi.
Sinasabing papauwi na ang biktima kasama ang tatlo pa katao sakay ng Toyota Fortuner (NIR-719) nang harangin sila ng mga suspect at tutukan ng baril sabay deklara ng holdap.
Nilimas ng mga suspect ang dalang tatlong kahon ng cellphones na may kabuuang halagang P2.5 milyon, at P950,000 cash, bago tuluyang tumakas, kung saan tinangay pa ang kanilang sasakyan.
Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa limang armadong suspect kung saan naiwan ng isa sa mga ito ang isang kalibre 45 baril na ginamit na armas sa panghoholdap sa biktima. (Dagdag ulat ni Ricky Tulipat)