Bartolome pormal nang umupong NCRPO chief
MANILA, Philippines - Pormal nang umupo si P/Chief Supt. Nicanor Bartolome bilang bagong hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa isang simpleng turn-over ceremony, kahapon sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Agad namang pinulong ni Bartolome ang mga district directors na kung saan unang ipinag-utos nito ang pag-aresto sa lahat ng kriminal na may mga kaukulang warrant of arrests na nananatiling gumagala sa mga lansangan.
Sinabi ni Bartolome na kailangang mapalakas ang paghabol sa mga kriminal na nananatiling mapanganib at gumagawa pa rin ng krimen habang hindi napananagot sa batas. Binigyan nito ang mga hepe ng distrito ng dalawang linggo upang makapagpakita ng positibong resulta sa paghahabol sa mga kriminal na may warrant of arrests.
Inatasan rin nito ang mga district directors sa pagpapalakas pa ng seguridad kaugnay ng darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections. Kabilang rito ang pagpapalakas pa ng mga itinatatag na checkpoints at operasyon laban sa iligal na baril.
Samantala, sa kanyang talumpati, pinayuhan naman ni dating NCRPO chief, Director Leocadio Santiago Jr. ang kapulisan na huwag magtanim ng sama ng loob at maging propesyunal sa anumang kahihinatnan sa pagsusuot ng uniporme na nararapat ikarangal.
Dapat maging handa ang sinumang pulis sa kahihinatnan tulad ng nangyari sa kanya na may dalawang buwan at 12 araw lamang naupo bilang hepe ng NCRPO makaraang masampahan ng kasong administratibo dahil sa Luneta hostage crisis.
- Latest
- Trending