MANILA, Philippines - Himas rehas ngayon ang dalawa sa tatlong kabataang holdaper ilang minuto makaraang biktimahin ang isang taxi driver sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Nakilala ang mga suspect na sina Mark John Balantes at Ronald Santos, ng San Isidro, Galas ng Quezon City. Ang dalawa ay kabilang sa grupo na nangholdap sa biktimang si Felicito Ercillo, 42, taxi driver ng Bagong Silang, Caloocan City na gumamit ng paslit para sa kanilang operasyon.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang panghoholdap sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod ganap na alas -2 ng madaling-araw.
Bago ito, sumakay umano sa R-cab taxi (TWJ-422) ng biktima ang dalawa sa mga suspect sa may D. Tuazon at nagpahatid sa E. Rodriguez. Pagsapit umano ng Commonwealth Avenue ay pinahinto ng suspect ang biktima kung saan sumakay naman ang isa pang suspect.
Ilang sandali, bigla na lamang umanong nagdeklara ng holdap ang mga suspect sabay tutok ng patalim sa batok ng biktima, at kunin ang kanyang kinita na P6,250, bago bumaba at nagsipagtakas.
Hindi naman nawalan ng loob ang biktima at agad na nakahingi ng saklolo sa mga nagpapatrulyang awtoridad sanhi upang madakip ang mga suspect at makalayo naman ang isa pang kasamahan nito.