MANILA, Philippines - Handang harapin ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Leocadio Santiago Jr. ang kasong administratibo na inirekomendang isampa ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) sa National Police Commission (Napolcom) kaugnay ng Luneta hostage crisis.
Sa opisyal na pahayag ni Santiago, sinabi nito na matapos ang ilang buwang paghihintay ay magkakaroon na siya ng pagkakataon na masagot ang mga akusasyon sa kanya sa tamang “forum”.
Sinabi rin nito na nirerespeto niya ang naging desisyon ni Pangulong Benigno Aquino III at rekomendasyon ng IIRC sa pangunguna ni Justice Secretary Leila De Lima.
Bukod kay Santiago na nahaharap sa kasong “grave neglect of duty”, nahaharap rin sa kasong administratibo sa Napolcom sina dating Manila Police District director, Chief Supt. Rodolfo Magtibay, Supt. Orlando Yebra at Chief Insp. Santiago Pascual.
Sinabi naman ni Napolcom vice-chairman Atty. Eduardo Escueta na maaaring bumigat pa ang kasong kakaharapin ng naturang mga pulis sa isasagawa nilang pagdinig.
Maaaring tumagal umano ng 60 araw ang proseso sa pagdetermina sa “probable cause” ng kaso bago pa iakyat ito sa kanilang legal affairs division. Magiging bukas naman umano ang pagdinig sa mga mamamahayag, dagdag ni Escueta.