MANILA, Philippines - Habang umiinit ang kampanya ng Simbahang Katoliko kontra “reproductive health bill”, dalawang fetus naman ang magkasunod na natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Mandaluyong City.
Sa ulat ng Mandaluyong police, isang fetus na lalaki na may edad na 7-8 buwang gulang ang unang nadiskubre dakong alas-8:45 kamakalawa ng gabi sa basurahan sa loob palikurang pambabae sa Starmall sa may EDSA-Crossing.
Sinabi ng janitress na si Janet Constantino na naglilinis siya sa loob ng palikuran nang makita ang isang plastic bag na mahigpit ang pagkakatali. Kanyang binuksan ang plastic bag kung saan bumulaga sa kanya ang fetus na nag-uumpisa nang mabulok.
Dakong alas-12:10 naman ng madaling-araw nang madiskubre ang ikalawang fetus na babae sa tapat ng Regalong Pambahay outlet store sa may Pioneer St., Brgy. Buayang Bato.
Napansin ng mga security guard na sina Ruben Belledo at Michael Tawatao ang isang plastic bag na iniwan sa tapat ng naturang tindahan. Agad na nagduda ang mga security guard kung saan iniulat ito sa pulisya.
Nang buksan ang plastic bag, dito nadiskubre ang bangkay ng isang fetus na babae.
May hinala naman ang pulisya na iisa lamang ang pinanggalingan ng dalawang fetus na maaaring itinapon sa magkahiwalay na lugar upang iligaw ang mga imbestigador. Posible umano na buhat ito sa isang “abortionist” na nag-ooperate sa lungsod.