Pastor patay sa ambush
MANILA, Philippines - Patay ang isang pastor ng Baptist Church makaraang tambangan sa loob ng kanyang kotse ng isang armadong suspect sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Duguang nakalugmok sa driver’s seat ng kanyang kotse si Joseph Saliba, 42, pastor ng Baptist Church sa Dagupan City, Pangasinan, nang abutan ng mga rumespondeng tropa ng homicide section ng Quezon City Police ilang minuto matapos ang pamamaril.
Isinalarawan naman ng isang saksi ang suspect sa edad na 30 pataas, nakasuot ng t-shirt na puti at medyo kalbo.
Sa paunang imbestigasyon (QCPD), nangyari ang insidente sa may Banlat Road, Tandang Sora, Brgy. Culiat pasado alas-9 ng umaga.
Sinasabing minamaneho ni Saliba ang kanyang Nissan Sentra (PDI-934) at tinatahak ang lugar nang maipit ito sa trapik. Ilang sandali pa ay nilapitan ito ng suspect saka pinagbabaril.
Ayon pa sa ulat, matapos paputukan ang biktima ay nagawa pa nitong paandarin ang kanyang kotse, subalit dala ng mga sugat na natamo ay nawalan na ito ng ulirat at tuluyang bumangga sa gate ng Jubille Villa, kung saan dito na siya, iniwan ng suspect.
Ayon kay Rolly Carreon, barangay kagawad sa lugar, matapos nito ay agad na umalis ang suspect at nangharang ng isang tricycle at tumakas patungong Commonwealth Avenue.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations narekober sa lugar ang pitong basyo ng bala ng kalibre 45 na siyang ginamit sa pananambang sa biktima.
Patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insidente upang mabatid ang motibo sa nasabing pananambang.
- Latest
- Trending