MANILA, Philippines - Winakasan ng isang lalaki at isang babae ang kani-kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng pagpapatiwakal upang takasan ang mga dina ranas na problema sa magkahiwalay na insidente sa Las Piñas at Parañaque City.
Unang nadiskubre ang bangkay ni Romulo Palma, 56 sa loob ng kanyang tirahan sa Bayanihan St., Phase 4, Brgy. CAA, Las Piñas City dakong alas-6 kahapon ng umaga ng kanyang nakatatandang kapatid na si Teresita Estrada, 58.
Nadiskubre ang biktima na nakatarak ang isang mahabang kutsilyo sa kanyang tiyan nang datnan ng mga rumespondeng opisyal ng barangay at pulisya.
Sinabi sa pulisya ng mga kaanak ng biktima na matagal na itong pinahihirapan ng kanyang sakit na diabetes at kidney failure na posibleng dahilan ng kanyang pagpapakamatay. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.
Dakong alas-10 naman ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng 24-anyos na dalagang si Rochelle Tarrayo na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng kanilang tirahan sa Purok 5, Silverio Compound, San Isidro, Parañaque City.
Ayon pulisya, matigas na ang katawan ng dalaga nang madiskubre ng kanyang kapatid na si Cidric Tarrayo na nakabitin sa loob ng kanyang silid, gamit ang kumot na ipinulupot sa kanyang leeg.
Matagal na umanong dumaranas ng depresyon ang dalaga at tumanggi na itong uminom ng gamot na inireseta sa kanya ng mga doktor.