MANILA, Philippines - Patay ang isang binata, habang dalawa pang kasamahan nito ang sugatan makaraang mabundol ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang pampasaherong jeepney sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Rick Steven Revilas, 18, ng 1938 Mt. Apo St., Punta Brgy. 900, Santa Ana Manila.
Habang itinakbo naman sa Quirino Medical Center ang mga sugatang angkas nito na sina Jinky Rose Maestre, at Ryan Franco, 28.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang nakabanggang driver ng PUJ na si Antolin Isla, 59, ng V. Mapa Santa Mesa Manila.
Nangyari ang insidente sa may Aurora Blvd., corner Monte de Piedad St., sa lungsod ganap na alas-3:10 ng madaling-araw.
Bago ito, sakay umano si Revilas ng kanyang Honda MC at angkas sina Maestre at Franco at tinatahak ang nasabing lugar patu ngong Seattle St. pagsapit sa Monte de Piedad St., nabangga ito ng isang pampasaherong jeepney (DHJ-962) na minamaneho ni Isla na papaliko naman sa naturang lugar.
Dahil dito, tumilapon ang motorsiklo ng mga biktima, dahilan upang magtamo ng matitinding sugat ang mga ito na ikinasawi ni Revilas.