Lola pisak sa truck
MANILA, Philippines - Pisak ang katawan at basag ang bungo ng 73-anyos na lola nang mahagip at magulungan ng isang rumaragasang truck kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si Natividad Basig, ng Francisco St., Tondo bunga ng matinding pagkabasag ng bungo, sugat at bali ng ilang buto habang kusang-loob namang sumuko ang suspect na si Ernesto Gonzales Jr., driver ng Isuzu truck (TXM-843), ng Area 8, Parola Compound, Tondo, Manila.
Nabatid kay SPO4 Carlos Abunda ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), dakong alas-10:10 ng umaga ng maganap ang insidente sa kanto ng Juan Luna at Corcuera Sts., Tondo, Manila.
Nang tumawid umano ang matanda ay mabilis namang dumarating ang nasabing truck sa Juan Luna St. at aksidente umano nitong mahagip ang biktima na nagmula sa Corcuera St. kung saan ay nakaladkad pa umano ito bago magulungan na nagresulta sa agarang kamatayan nito. Ayon sa driver ng truck, hindi umano niya napuna ang matanda.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa MPD-TEU.
- Latest
- Trending

















