Mag-asawang trader, todas sa holdap

MANILA, Philippines - Patay ang mag-asa­wang negosyante ma­tapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga holdaper kahapon ng hapon sa Malabon City.

Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center (TMC) sina Oliver Mag­calas, 41 at misis nitong si Ana Mae, 37 matapos na magtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng da­lawang suspect na ma­bilis na tumakas matapos ang insidente.

Base sa nakalap na impormasyon ng Station Investigation Division (SID) ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong 2:30 ng hapon sa kahabaan ng Flores St., Bgy.  Flores ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na galing sa paniningil sa kanilang negosyong manok ang mag-asawa nang hara­ngin ng mga suspect habang papasok ng kanilang bahay.

Agad na kinuha ng mga suspect na kapwa armado ng mga baril ang pera ng mag-asawa.

Subalit tinangka ni Oliver na manlaban ng makakita ng pagkaka­taon ngunit agad naman itong pinagbabaril ng isa pang suspect.

Kasunod namang binaril ng isa sa mga suspect si Ana Mae at kinuha ang pitaka at bag ng mag-asawa.

Matapos ang insi­dente ay mabilis na tu­makas ang mga suspect sakay ng isang motor­siklo sa hindi natukoy na direksiyon.

Show comments