Imprentahan ng pekeng pera, sinalakay
MANILA, Philippines - Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bangko Sentral ng Pilipinas ang isang printing press na nag-iimprenta umano ng pekeng pera, kahapon ng madaling araw sa Parañaque City.
Pinasok ng mga awtoridad ang naturang im prentahan sa may Quirino Avenue, Brgy. Dongalo dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa bisa ng search warrant na inilabas ni Paranaque Executive Judge Fortunito Madrogan ng branch 274.
Sa ulat na nakarating sa Parañaque police, isang tauhan ng imprentahan ang nadakip na nakilala lamang sa pangalang Jenzen Velasco, alyas Jimboy.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga pekeng pera na naimprenta na kung saan karamihan ay hindi pa natatabas. Nabatid din na nag-iimprenta rin ito ng iba pang “treasury bank notes” ng ibang mga bansa.
Ayon sa pulisya, nagpadala lamang ng “coordination notice” ang NBI sa kanila kung saan ito ang nanguna sa operasyon. Posible umano na matagal nang minamanmanan ng mga tauhan ng NBI ang naturang imprentahan bago isagawa ang pagsalakay.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 166 ng Revised Penal Code of Manufacturing of Counterfeit Bills ang naarestong suspek at ang mga madadakip na kasabwat nito na isasampa ng BSP at NBI. (Danilo Garcia at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending