MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi, habang lima pa ang malubhang nasugatan makaraang araruhin sila ng isang naglokong pampasaherong jeepney sa isang lugar sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jeyffy Pelipel, 31, binata; at Primitivo Tiedra, 40, factory worker; kapwa mga residente sa Brgy. Kaunlaran sa lungsod. Ang mga sugatan naman ay kasalukuyang naka-confine sa Quezon City Memorial Medical Center.
Ayon sa pulisya, si Pelipel ay agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente habang si Tiedra ay dead-on-arrival sa QCMMC.
Nasa kustodiya naman ng Traffic Sector 4 ng Quezon City Police ang driver ng nakabanggang jeepney na si Cesar Alicaway Jr., 24, ng nasabi ring lugar.
Nangyari ang insidente sa may Aurora Blvd., malapit sa Manga Road, partikular sa harap ng bahay ng mga biktima ganap na alas-9:10 ng gabi.
Sinasabing binabaybay ng pampasaherong jeepney (TWU-449) na minamaneho ni Alicaway ang Aurora Blvd., galing sa direksyon ng Manila patungong EDSA nang pagsapit sa panulukan ng Manga Road ay biglang bumulusok saka sumalpok sa gutter patungo sa nasabing bahay.
Kasalukuyan namang nakaupo at nakaistambay sa labas ng naturang lugar ang mga biktima at dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi na nakaiwas ang mga ito nang rumagasa sa kanila ang nasabing sasakyan.
Ayon pa sa ulat, dahil si Pelipel ay nakaladkad ng nasabing jeepney ay grabe ang tinamo nitong sugat sa ulo at buong katawan, habang si Tiedra naman ay nagulungan ang katawan kung kaya sila ang inabot ng kamatayan. Tinangka pang tumakas ni Alicaway, subalit hinabol ito ng mga nagmalasakit na taumbayan at pinagbubugbog, bago iturn-over sa awtoridad.
Lumilitaw din sa pagsisiyasat na walang lisensya ang suspect dahil hindi naman ito ang tunay na driver ng jeepney kundi backrider lamang.
Inihahanda na ang kaso laban dito.