MANILA, Philippines - Nabiyak na parang buko ang ulo at kumalat ang utak sa semento ng isang 53-anyos na French national na sinasabing lumagpak sa ground floor mula sa ika-3 palapag ng Gumbo restaurant, sa loob ng isang mall sa Ermita, Maynila, kama kalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO2 Lester Evangelista, nahati hanggang sa bahagi ng baba, ang bungo ng biktimang si Rene Battail Jean Louis, ng #4 Rue Des Cites 93300 Aubervillers, France.
Dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa 3rd floor ng Pedro Gil wing ng mall.
Nabatid na pumasok sa Gumbo Restaurant ang biktima at umorder ng maraming pagkain, dalawang bote ng wine. Nang makalipas ang 2 oras, nilapitan umano ito ng food attendant na si Michael Reblando at iniabot ang bill na umabot sa P4,438.50 dahil sa magsasara na ang kanilang restaurant.
Nakangiti pa umano ang biktima nang tanggapin ang resibo at itiniklop hanggang sa tumayo at lumabas ng restaurant. Nang sundan ni Reblando dahil hindi pa bayad ang bill, nakita niyang umakyat ito sa 3rd floor at nakita na lamang na bumagsak ito sa ibaba na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan. Posible umanong nalaglag o tumalon talaga ang biktima.
Batay sa nakuhang Visa ng biktima, madalas itong mag-travel at posibleng hindi naman ito naghihirap para hindi magbayad ng bill.