Emisaryo sa jueteng, timbog sa panunuhol
MANILA, Philippines - Sa kagustuhang makatulong sa kaibigang dinakip ng pulis dahil sa jueteng, tinangka ng isang lalake na suhulan ang mga awtoridad na siyang dahilan upang maging siya ay arestuhin sa lungsod Quezon kahapon.
Si Alex dela Cruz, 45, ng Brgy. E. Rodriguez, Cubao, ay inaresto makaraang suhulan ang mga pulis ng halagang P12,000 kapalit ng pagpapalaya sa dalawa nitong kasama na nauna nang dinakip sa kaso ng illegal number games (jueteng ) na sina Antonio Lampas, 37; at Antonio Bacay, 56.
Nakuha mula kina Lampas at Bacay ang ilang ebidensiya tulad ng polletos (jueteng bet list), ballpen at P160 na pera at agad silang dinala sa Cubao Police Station para ma-imbestigahan at masampahan ng kaso.
Makalipas ang ilang oras, nagpakita umano si Dela Cruz sa himpilan ng pulisya kung saan nakiusap na palayain sina Lampas at Bacay kapalit ng dala niyang pera na nagkakahalaga ng P12, 000.00.
Kasong bribery o Corruption of Public Official ang isinampa laban kay Dela Cruz na kasama na ngayon nila Lampas at Bacay sa kulungan.
- Latest
- Trending