MANILA, Philippines - Kahit paulit-ulit ang ginagawang paghuli ng mga awtoridad sa mga tinderong nagbebenta ng botcha o double dead meat, hindi pa rin tumitigil ang mga ito dahil kahapon, muli na namang nakasamsam ng may 700 kilo ng mga bulok na karne sa Balintawak Market sa lungsod Quezon.
Ayon kay Dr. Ana Marie Cabel, head officer ng city hall health department, ang pagsalakay sa nasabing palengke ay pang-9 beses nang ginawa sa buwan ng Setyembre at Oktubre.
Giit ni Cabel, magsisimula na namang maging talamak ang bentahan ng ganitong uri ng karne lalo ngayong malapit na ang Kapaskuhan kung saan dagsa ang mga mamimili para sa kanilang ihahanda.
Ganap na alas-3 ng madaling-araw nang muling sumalakay ang nasabing pamunuan kasama ang tropa ng Quezon City Police kung saan nakumpiska ang daan-daang kilo ng mga bulok na karne ng baboy.
Bukod sa double dead na karne, nakakumpiska rin ang tropa ng mga expired na processed meat sa naturang palengke tulad ng hotdog, bacon, chicken nuggets at ham na tumitimbang ng 66 na kilo.
Nabuko ang pagtitinda ng mga expired na processed meat makaraang isang consumer ang nagreklamo kay Cabel na sumakit ang tiyan matapos na mabili at makakain nito.
Nabatid na inaalis ng mga tindero ang expiry date ng naturang pagkain na ibinebenta lamang sa mga bilao, para hindi mahalatang luma na ito at hindi na maaaring kainin.