MANILA, Philippines - Isa na namang kaso ng gang rape ang nangyari na kinasasangkutan ng 15-anyos na dalagitang biktima at 13 nitong kaklase ang idinulog sa tanggapan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kahapon sa lungsod Quezon.
Ayon kay Rose Roque, chief coordinator ng VACC, lumapit sa kanilang tanggapan ang biktima na itinago sa pangalang Marie, 4th year high school, kasama ang kanyang tatay upang humingi ng tulong para sa mabilis na pagkakalutas sa kaso at hindi ito mauwi sa pagkabalewala.
Sinabi ni Rose, base sa pahayag ng biktima, nangyari ang insidente noong June 26, 2010 sa isang lugar sa Novaliches matapos na ayain umano ito ng kanyang mga kaklase sa isang party.
Subalit, ang sinasabing party ay gawa-gawa lamang anya ng mga suspect dahil pagpunta umano ng biktima sa lugar ay naabutan na lang nito na may mga alak kung saan siya puwersahang pinainom.
Pinalalagay ng biktima na may inilagay sa kanyang inumin dahil mabilis umano siyang nanghina at nahilo. Ang panghinina ng biktima ang naging daan para gawin umano ng mga kaklase nito ang panghahalay, na ayon sa biktima, na bagama’t nanghihina na siya ay kitang-kita niya ang pangyayari.
Sinikap anya ng biktima na manlaban, ngunit dala ng panghihina ay hindi niya nagawa. Nakiusap din anya ang biktima sa suspect, ngunit hindi rin siya pinakinggan ng mga ito.
Ang naturang insidente ay hindi kaagad nagawang maipagtapat ng biktima sa mga magulang sa takot na siya ay pagalitan, kaya naman sa kanyang kaibigan na lang niya ito naipagtapat.
Pero dahil madalas na nawawala sa sarili ang biktima, ipinayo ng kaibigan nito na sabihin ang karanasan sa kanilang principal na siya namang naging daan para malaman ng kanyang mga magulang.
Ayon pa kay Rose, naghain na ng reklamo ang biktima sa National Bureau of Investigation (NBI) kung kaya under investigation na ito, pero para magkaroon ng suporta ang pamilya ay dumulog na ang mga ito sa kanilang tanggapan.
Sa ngayon, ang biktima ay nasa pangangalaga ng VACC para sa kaukulang disposisyon.