Pamilya ng hazing victim nagpasaklolo sa NBI
MANILA, Philippines - Dahil sa mahinang ebidensya na inihain ng Makati police sa korte, magpapasaklolo na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ng estudyanteng si EJ Karl Intia na nasawi sa hazing ng sinasabing mga miyembro ng Alpha Phi Omega.
Ito’y makaraang palayain ni Judge Honorio Guanlao ng Makati Regional Trial Court branch 57 ang apat sa 16 na akusado sa kasong hazing. Kabilang sa napalaya sina John Marin, Rico Mansalapus, Michael Pagulayan at Rosel Wenceslao dahil sa “lack of probable cause” dulot ng kakapusan sa ebidensya na inihain ng mga imbestigador ng Makati police.
Sinabi ni Oscar Intia, ama ng biktima, na sa NBI na sila lalapit ngayon dahil sa naniniwala siya na mas makakakalap ng sapat na ebidensya ang ahensiya upang mapatunayan ang sinasabing pagkakasala ng mga miyembro ng APO na nagsailalim sa kanyang anak sa “initiation rites” na sanhi ng pagkamatay nito.
Hihingin rin ng matandang Intia ang tulong ng NBI upang mahanap ang 11 sa 16 na suspek na patuloy na nakakalaya. Una nang sumuko ang apat na pinalayang suspek kabilang pa ang isang menor-de-edad na suspek na umamin sa partisipasyon nila sa hazing rites.
- Latest
- Trending