MANILA, Philippines - Tinatayang may 20 pasahero ang nasugatan nang magsalpukan ang dalawang dambuhalang bus sa may Timog fly over sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Ayon kay Hanna Zaballero ng Metro Manila Development Authority (MMDA) monitoring system, ang 18 pasahero ay itinakbo sa East Avenue Medical Center habang ang dalawa ay sa Veterans hospital.
Sa inisyal na ulat ng MMDA, nangyari ang insidente sa naturang lugar, partikular sa harap ng Nepa Q-mart ganap na alas 12:36 ng hapon.
Diumano, binabaybay ng Joyselle bus ((TXF-501) na minamaneho ni Christopher Isidro ang naturang lugar nang biglang bundulin ang likurang bahagi nito ng Five star bus (LXV-511) na minamaneho naman ni Angel Mayoralgo.
Sa lakas ng pagkakabangga, kapwa nagsipagtilapon sa kani-kanilang mga upuan ang mga sakay ng dalawang bus dahilan para masugatan ang mga ito.
Kwento ni Isidro, mabilis umano ang takbo ng Five star kaya hindi nito nagawang makapag-preno agad, bagay na itinatanggi naman ng driver nito na si Mayoralgo.
Agad namang rumisponde ang rescue team ng MMDA at agad na tinulungan ang mga sugatang pasahero at dinala sa naturang mga ospital kung saan sila nilapatan ng lunas.