Empleyado ng PAL, patay sa kotse ni Congressman
MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang empleyado ng Philippine Airlines (PAL) makaraang mabundol ng kotse na minamaneho ng pamangkin ni Isabela Rep. Napoleon Dy, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Hindi na umabot ng buhay dahil sa pagkabasag ng bungo sa Taguig-Pateros Hospital ang biktimang nakilalang si Ariel Vicente Cruz, 43, ng CF Tuazon St., Pateros.
Kusang-loob namang sumuko sa mga awtoridad ang nagmamaneho ng nakabanggang Toyota Camry na may plakang numero 8 na si Bernard La Madrid Dy, 33, ng Nightingale St., Green Meadows Subdivision, Quezon City.
Sa ulat ng Taguig Police Traffic Enforcement Unit, naganap ang aksidente dakong alas-2:13 ng madaling-araw sa Lawton Avenue sa loob ng Fort Bonifacio na sakop ng naturang lungsod.
Lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo (TS-9950) at binabagtas ang naturang kalsada nang biglang sumulpot umano ang Camry na minamaneho ni La Madrid. Dito nasalpok ng kotse ang motorsiklo sanhi upang tumilapon ang biktima at mabagok ang ulo.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nag-counter flow o sinalungat ni Dy ang daloy ng trapiko sa pagmamadaling makauwi sa kanilang tirahan kaya’t nasalpok niya ang kasalubong na motorsiklong sinasakyan ng biktima na nasa tamang lugar.
Napag-alaman na numero 8 ang plakang nakalagay sa harapan ng kotse ni Dy at ZKZ-625 naman ang nakalagay sa gawing hulihan ng sasakyan kaya’t inaalam pa ng pulisya kung kanino naka-rehistro ang naturang sasakyan.
Tiniyak naman ni Dy sa pulisya na hindi niya tatakbuhan ang responsibilidad at pananagutan niya kung ano man ang kasong isasampa laban sa kanya.
- Latest
- Trending