Dalaga timbog sa kaso ng 'babae sa maleta'
MANILA, Philippines - Mismong ang dalagang pamangkin ang lumalabas na pumatay sa isang biyuda na isinilid pa sa maleta at itinapon sa Caloocan City, kamakailan.
Ito ang inihayag ni Sr. Supt. Jude Santos, hepe ng Caloocan Police makaraang madakip ang suspek na si Ruby Imperial, 23, pamangkin at katulong ng biktimang si Neria Salapang, 29, biyuda at kapwa ng Good Harvest Subd., Camarin, ng lungsod.
Magugunita na alas-6:30 ng umaga noong September 25, 2010 nang matagpuan ang biktima na nakasilid sa malaking maleta na naaagnas na sa Road 38 Congress Village ng lungsod.
Sinabi pa umano noon ng suspek sa mga pulis na nagpunta umano sa Nueva Ecija ang biktima kung saan dala ang nasabing travelling bag.
Sa pagsisiyasat ng mga pulis ay nakakita ang mga ito ng bakas ng dugo sa unan ng biktima na naging dahilan upang maghinala na may kinalaman si Imperial sa pagpatay.
Sinabi rin ng saksing si Ronald Benedicto, 31 na alas-6:45 ng gabi ng September 22, 2010 ay nakita nito si Imperial na dala ang nasabing travelling bag sa tapat ng bahay ng una sa Merry Homes II Subd., Camarin.
Sa pahayag ng anak ng biktima na si Angel Dian Salapang, 9 na noong September 20, 2010 ng umaga ay nagising siya at hinahanap niya ang kanyang ina subalit sinabi ng suspek na umalis ito at nagpunta sa Nueva Ecija.
Sinabi rin ng bata na nang magising siya ng araw na iyon ay nilalabhan ng suspek ang bed sheet ng kanyang ina.
Dahil dito, kahapon ng umaga ay dinakip ang suspek at sinampahan ng kasong murder.
- Latest
- Trending