Survivors sa Ozone Disco nanawagan ng pagbabago sa BFP
MANILA, Philippines - Upang hindi na maulit ang trahedyang naganap sa Ozone disco na ikinasawi ng may 162 katao, nanawagan ang mga survivors sa naturang trahedya ng mga pababago sa hanay ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Ren Galang, survivor sa 1996 Ozone Disco Club, ang itinuring na pinakagrabeng sunog na naitala sa kasaysayan ng bansa, kailangan ng BFP ang tunay na hakbangin sa pagpapaunlad at pagpapatupad ng mga patakaran upang hindi na maranasan ang isa pang malaking sakuna na tulad nito.
Si Galang na ang buong katawan ay natatakpan na ng mga sunog na balat, ay nagsabing walang kapalit na halaga ang buhay kung kaya hindi dapat tinitipid ng pamahalaan ang mga gamit na makakapagligtas sa buhay ng tao.
Dagdag nito, may sapat umanong batas para palakasin, gawing akma at i-modernize ang BFP lalo ngayon halos araw-araw ay may nagaganap na sunog.
Bilang miyembro ng Retired Firefighter Association at tagapagtaguyod ng kaligtasan sa bansa, masusing minamanmanan ng dating Ozone Disco disk jockey ang pagbabago sa kalagayan ng ating bansa, at kahandaan sa mga insidente ng sunog.
Giit ni Galang, base sa bagong fire code o Republic act 9514 ang BFP ay dapat na bigyan ng sapat na resources na inilaan para sa mga kagamitan, pagsasanay, at sa pangkalahatang paglago sa fire industry.
Nitong July sinuportahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga plano ng BFP na makamit ang zero na insidente ng sunog sa Metro Mmanila, kung saan isasama ang polisia sa komunidad at mga nakatuong programa nito.
- Latest
- Trending