MANILA, Philippines - Naalarma na ang pamahalaang lungsod ng Quezon City matapos ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue dito.
Sinabi ni Dr. Rolly Cruz, hepe ng Epidemiology Section ng QC Health Department mahigit na sa 2, 435 ang kaso ng dengue mula buwan ng Enero hanggang Setyembre 11, 2010 na may kataasan ng 59 porsiyento kung ihahambing sa 1,533 kaso noong 2009 sa kaparehong period.
May 31 katao naman ang namatay na ngayong taon dahil sa dengue.
Nananatili ang outbreak sa Brgy. Gulod na nangunguna sa may pinakamaraming kaso ng dengue at nakapagtala ang naturang barangay ng 163 kaso na may dalawang patay.
Sumusunod sa Gulod ang Brgy. Culiat na may 98 kaso at tatlong nasawi.
Sinabi ni Dr. Cruz na karamihan sa mga nabiktima ng dengue ay mga batang nasa edad isa hanggang 10 taong gulang. Dahil dito, muling pinaalalahanan ng QC Health Department ang publiko partikular na ang mga estudyante na magsuot ng mahahabang damit at maging malinis sa kapaligiran para maiwasan ang sakit.