Dayuhang illegal recruiter timbog ng NBI
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dayuhang pugante na lider umano ng isang sindikato ng mga illegal recruiter na matagal ng nambibiktima ng mga nais magtrabaho sa Australia, New Zealand at United Kingdom. Kinilala ni NBI-NCR Dir. Constantino Joson ang dayuhan na si Sandeep Narayan alyas ‘Ajay Singh” na nakapambiktima na umano ng 16 na Pinoy.
Nabatid na si Narayan ay isang Fijian tourist na una ng naaresto noong 2005 dahil sa mga kasong illegal recruitment at estafa at idineklarang pugante sa batas matapos maisampa ang kaso laban sa kaniya noong 2007.
Sinabi ni Joson na kabilang sa mga modus operandi ni Narayan ay ang pakikipagkita sa mga biktima nito sa mga coffee shop sa loob ng mga hotel sa Maynila kung saan niya isinasagawa ang interview sa mga aplikante at pagkatapos ay hihingan na ang mga biktima ng processing fee.
Gayunman, pagkatapos nito ay hindi na siya nagpapakita sa mga biktima pagkatapos mangako na makakapagtrabaho ang mga ito sa ibang bansa. Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang NBI upang malaman kung may mga kasabwat pa si Narayan.
- Latest
- Trending