Bar Ops, hiling ipahinto
MANILA, Philippines - Matapos ang nangyaring kaguluhan noong Linggo sa harap ng Dela Salle sa Taft Ave., hiniling ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pagpapatigil ng Bar Operations tuwing may Bar examinations.
Ayon kay Lim, inirekomenda niya kay Supreme Court (SC) Administrator Atty. Midas Marquez ang pagpapatigil nito upang hindi na maulit pa ang kaguluhan na ikinasugat ng maraming estudyante. Sinabi ni Lim na pinagmumulan ng mga kaguluhan ang Bar Ops dahil sa mga kantiyawan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan na sumusuporta sa mga Bar examinee.
Inihayag ni Lim na wala naman dating nagaganap na Bar Ops partikular noong siya ang kumuha ng naturang pagsusulit para sa mga nais maging abogado.
Posible umanong kompetisyon sa pagitan ng mga unibersidad ang Bar Ops hanggang sa nauuwi sa away at karahasan.
Panawagan ni Lim sa mga law student na tigilan na ang anumang gulo at pakikipagkompetisyon sa bawat unibersidad dahil ang mga inosenteng sibilyan naman ang siyang nagiging biktima.
Dapat umanong isaisip ng bawat law student ang kanilang responsibilidad sa bansa at hindi ang kanilang responsibilidad sa unibersidad.
- Latest
- Trending