MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres sa isang panayam sa telebisyon pitong taon nang walang kontrata ang ahensiya sa driver’s license permit at hanggang ngayon ay walang naganap na public bidding.
Ayon kay Torres, kanila lamang umanong minana ang nabanggit na bidding sa lisensiya ng nakaraang administrasyon at napag-alaman din na ang kasalukuyang contractor na AMPI ang manufacturer ng lisensiya kung kaya’t dapat umano nila itong aksyunan dahil sa kawalan ng kontrata.
Idinagdag pa ni Torres na bagama’t expired na noon pang 2003 ang kontrata ng AMPI, itinuturing umano nila itong “quantum meruit” o ang pagpa patuloy ng serbisyo ng AMPI kahit walang agreement o kontrata sa nakalipas na 7 taon.
Samantala, ayon naman sa isinasaad ng Government Procurement Act RA 9184, kung ang isang kontrata ay napaso o na expired ay kinakailangang magkaroon ng panibagong public bidding upang maprotektahan ang publiko sa overpricing at masiguro na magiging maayos ang serbisyo kapalit ng mala king gugugulin ng gobyerno.
Gayunpaman, dahil sa kawalan ng kontrata sa loob ng pitong taon, kung susumahin sa 3 milyong motorista na nag-renew ng lisensiya sa halagang 150 piso, lumalabas na 500 milyong piso ang ibinayad ng LTO sa AMPI bawat taon, na sa loob ng pitong taon ay umabot sa humigit kumulang na P3.5 bilyon ang kinita ng AMPI.
Ayon naman sa ilang legal experts ay nilabag ng AMPI ang Government Procurement Act habang ang mga LTO officials ay posibleng maharap sa paglabag sa Graft and Corrupt Practices Act.
Kamakailan ay una ng sinuspinde ng Department of Transportation and Communications (DoTC) ang nakatakda sanang public bidding dahil na rin sa ilang iregularidad na umano ay may pinapaborang bidder ang LTO.